top of page

"Awit ng Pagtitiwala sa Diyos"

Salmo 91

 

    1 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,

      At nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;

 

    2 Makapagsasabi sa kanyang Panginoon: “Muog ka’t tahanan,

      Ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”

 

    3 Ikaw’y ililigtas niya sa panganib, sa umang na bitag,

      At kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.

 

    4 Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,

      Sa kalinga niya ay natitiyak mo na ikaw ay ligtas;

      Iingatan niya’t ipagsasanggalang, pagkat siya’y tapat.

 

    5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,

      Maging sa gagawing biglaang paglusob pagsapit ng araw.

    6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,

      Di ka matatakot sa kasamaan mang araw kung dumating.

 

    7 Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,

      Sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;

      Di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.

 

    8 Ikaw’y nagmamasid at sa panonood iyong mamamasdan,

      Yaong masasama ay makikita mong pinarurusahan.

 

    9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,

      At ang pinili mong mag-iingat sa ’yo’y Kataas-taasan,

 

   10 Di mo aabuting ikaw’y mapahamak, at walang daratal

      Kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.

 

   11 Susuguin niya ang maraming anghel, sila’ng susubaybay,

      Kahit saang dako ikaw maparoon, tiyak iingatan.

 

   12 Sa kanilang palad ay itatayo ka’t, sila’ng magtataas

      Nang hindi masaktan ang mga paa mo sa batong matalas.

 

   13 Kahit ang tapakan mo ay mga leon, ahas na mabagsik,

      Di ka maaano sa mga serpiyente’t leong mababangis.

 

   14 Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,

      At iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.

 

   15 Pag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan,

      Aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan;

      Aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.

 

   16 Sila’y bibigyan ko’t gagantimpalaan ng mahabang buhay,

      At nakatitiyak na ang tatamuhin nila’y kaligtasan!”​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​​

2 CRONICA 7:13-14

MAAARING IPINID KO ANG LANGIT AT HINDI PUMATAK ANG ULAN
MAAARING MAGPADALA AKO NG BALANG UPANG SALANTAIN ANG LUPAING ITO
MAAARING PALAGANAPIN KO SA AKING BAYAN ANG SALOT
NGUNIT SA SANDALING ANG BAYANG ITO NA AKING PINILI AY
MAGPAKUMBABA, MANALANGIN, HANAPIN AKO
AT TALIKDAN ANG KANILANG MGA KASAMAAN
DIRINGGIN KO SILA, PATATAWARIN KO SILA
AT IBABALIK KO SA KANILANG LUPAIN ANG KATIWASAYAN AT KASAGANAAN.

 

 

bottom of page